Wednesday, May 1, 2013

sige iyak pa

Sige iyak ka lang sa iyong hinanakit
Kung dito ba naman maibsan ang sakit
Sige iyak pa hanggang mawala ang pait
Mula nang ikaw ay kanyang ipinagpalit

Nakita ko ang lahat ay iyong ginawa
Upang sa huli'y relasyon maisalba
Saksi ako kung paano mo siya inibig
Siya lang naman ang iyong bukambibig

Maraming taon na rin ang lumipas
Ngunit ang gunita'y di pa rin kumupas
Sariwa pa rin ang sugat na nilikha
Ramdam pa rin kapag iyong naaalala

Kaya iyak hangga't luha ay di nasaid
Hayaan mong dumaloy hanggang bibig
Kung bawat patak ay siyang paraan
Upang siya'y lubos na makalimutan

At habang patuloy kang naghihinagpis
Hahayaan ko ang sarili na magtitiis
Hihintayin kong makalimutan mo siya
Nang ako ay mapansin mo rin sana

Ang sakit na iyong naramdaman tuwina
Ay libo-libong itak  sa puso kong humihiwa
Sapagkat habang patuloy kang lumuluha
Ako ay sa piling mo ay siyang magdurusa

Hangga't kaya ko pa ay aking titiisin
Kahit pa mahapdi sa puso't damdamin
Kakayanin ko kahit sa anumang paraan
Na sa iyong puso magkaroon ng puwang

No comments:

Post a Comment