"Panahon lang ang makagagamot sa sakit ng puso na nararamdaman."
Isang kahibangan. Hindi panahon ang maghihilom ng sugat ng ating puso. Walang kinalaman ang panahon. Ikaw na nagpasya na tanggapin at bumangon muli sa paghihinagpis at pagkalugmok na iyong kinahantungan ang simula ng iyong paghilom. Ito ay sa pagkakataon na iminulat mo ang iyong sarili sa katotohanan na kailangan mong harapin ang pait na may ngiti sa iyong labi. Ito ay sa pagkakataon na nagpasya kang labanan at magsumikap na magiging matatag.
Kung nais mong simulan ang paghilom ng sugat, IKAW MISMO ang nagpasya at hindi ang panahon. Nasa iyong desisyon nakasalalay kung mananatili kang nakatalikod sa araw at tingnan ang anino o di kaya ay salubungin ang namamanaag na araw gaano man nito nasisilaw ang iyong mata. Magshades ka kaya. Kung wala kang pambili, matuto kang tingnan ang sinag. Hayaan mo masasanay ka rin sa kalaunan.
Ang tunay na pag-ibig ay nagdudulot lamang ng kabutihan. Lintek na pag-ibig iyan kung ito mismo ang kikitil ng iyong buhay. Marahil hindi ka nagmahal nang wagas sapagkat hindi naging bukas ang iyong damdamin sa posibilidad na siya ay mawawala sa iyong piling. Hindi ba pumasok sa iyong isipan na maaari siyang mamatay o di kaya ay maglaho na parang bula (kidnap, salvage, nalunod sa sabaw, atbp.). Kapag nangyari ito sa iyong minamahal maging mapait ba ang iyong pagtanggap? Hindi, mapupunan ang iyong puso ng pag-asa na magkikita kayong muli sa kabilang buhay. Kung hindi naman maging matiyaga ka sa paghihintay na magkikita pa rin kayo sa bandang huli.
Nagkataon lang na ipinagpalit ka niya sa iba. Wala itong pinagkaiba sa pagkamatay at pagkawala ng minamahal. Hindi ba hangad mo ang kaligayahan niya? Hayaan mo siyang maging maligaya. Hindi naman kasi natin masasabi na mas angat siya kaysa sa iyo at huwag na huwag mong pakaisipin na may pagkukulang ka. Sasabihin ko pa ba sa iyo na ikaw mismo ang nagpapasok ng mga pangit na bagay sa utak mo.
Sa mundong ibabaw, ang pinakamahalaga ay natutunan nating magmahal at tumugon sa ating damdamin. Hindi lahat ng tao ay nagkaroon ng isang masalimuot na buhay pag ibig ng tulad sa iyo. Ginambala mo ang aming katahimikan at kapatangan ng damdamin. Nauunawaan kong ito ay dulot sa saklap ng iyong kinasadlakan. Kaya bago mo kitilin ang iyong buhay ito lang ang aking masasabi, "Sana naman punyeta ka naisip mo rin na marami pa kaming nagmamahal sa iyo".
No comments:
Post a Comment